isang tula para sa mga artist

Ahon


(Kina Wire Tuazon at sa mga visual artists ng NEO-ANGONO)

 
Inakala ko: natabtab ang mga istik

na tao, gagamba, banga at palayok

sa dingding ng Petroglyphs sa bundok

at gumapang sila hanggang sa bayan.

Hanggang sa taas-baywang ng iyong

studio at sala sa bahay:

lumulutang ang mga canvas, oil,

pintura, kasama na rin, marahil,

ang mga laruan at manika ni Ashiya.

Panigurado, may kanya-kanyang kwento

sina Totong, Aron, Teng, Jon, Mangkols at iba pang kasama

kung paano pinakialaman ng tubig at putik

ang mga imahen at larawan sa inyong mga painting.

Ngunit ang gayong kwentuhan ay hindi paligsahan,

lalupa’t kung nasa HACIENDA tayo at nag-iinuman.

Hindi ito katulad ng patimpalak ng Shell,

Metrobank, PLDT, Petron o ng Philip Morris.

 
Pinaaalalahanan tayo ng putik.

 
Marahil, panahon na rin upang hindi lamang

ang huni ng ibon

ang mga babaeng naglalaba sa batis

ang nakangiting mag-anak na namimingwit

ang nagtitinda ng kandila sa patio

 
ang ukitin at awitin ng mga manlilikha sa bayan natin.

 
Kaninong kamay ang bumunot sa mga puno?

Sino ang nagpapakain ng buhangin sa mga isda sa Wawa?

 
Ang nangyari’y tila inukit sa tubig;

nahuhulma sa isip

at aalon at aalon sa bubong

ng ating diwa.

Pitpitlag, panigurado, ang panghihinayang:

ang mga tinangay na alaala at nailista sa tubig-baha.

 
Ngunit alam ko

na dahil kayo’y tunay na manlilikha –

kapag may nasira, may nabubuo;

at ang mga putik sa inyong mga kamay ay magiging ginto.

 

 

Richard R. Gappi


5 Oktubre 2006 (Pagkatapos ng biglang buhos ng ulan)

Angono, Rizal, Pilipinas

Comments are closed.