Ayoko na.
Sabi ng marami. At iba-iba ang
dahilan.
Hirap na hirap ka na ba sa kakaisip
ng konspeto para sa plate mo? Ako rin eh. Mahirap mag-isip lalo na’t
ipinanganak tayo sa panahon kung saan lahat na yata ng ideya, naisip na ng
ibang tao. Sabi nga ng isang prof ko, wala ng orig na ideya ngayon, nagkakatalo
na lang sa interpretasyon. Hindi naman bawal ang manghiram eh, haluan mo lang
ng tatak mo, para maging sayo. Naks, parang expert lang. Pero diba, totoo
naman? Hindi rin nakakamatay kung liliko ka minsan sa library, kasi marami kang
makikita, mababasa at magbibigay inspirasyon.
Hirap na hirap ka na ba kasi ang
hirap timplahin ng prof mo? Hay, marami tayo! Hindi naman kasi mga robot ang
mga prof natin. Tao sila, at artist sila – may mga mood swings, may
sari-sariling taste, may sari-sariling lengwahe. Ang trick nalang yata diyan ay
magpapasok ka, kilalanin mo ang prof mo. Hindi ko sinabing ikompromiso mo ang
istilo mo sa panlasa ng prof, alamin mo lang kung ano yung benta sa kanya,
tapos, kumbinsihin mo siyang maganda yung ideya mo.
Ah, hindi ka nahihirapan. Walang
challenge? Hay nako. Noong freshie ako, takang-taka ako noon kung bakit natapos
ang isang sem na puro 6B at sketching sketching lang kami. Tanong ako ng tanong
kung bakit paulit-ulit hanggang minsan, nagpinta ako ulet.
Aba, pagsketch ko, napasabi nalang ako sa
sarili, “Naks. Parang gumaling yata ako.” Pero totoo, mas senstibo na ako
ngayon sa detalye, mas pino ang mga hagod ng lapis o ng brush, o maski ng
mouse. Minsan kasi, magtiwala naman tayo sa mga prof natin.
Pero hindi lahat ng bagay sa school
lang natutunan. Wag kang makuntento sa papetiks-petiks lang. Magbasa ka. Hindi
lang naman libro ang pwedeng basahin – andyan ang dyaryo (napapansin ko nga,
parang ang daming nagbabasa ng dyaryo sa library natin), mga magasin, mga
articles sa internet, mga blogs, mga brand label, mga vandalisms sa desk mo, at
marami pa – lahat ng ito, magbibigay inspirasyon sayo, magbibigay kaalaman
sayo.
Marami na akong alam. Marami ka
naring alam. Pero mas marami ang hindi pa natin alam, kaya huwag tayong umayaw.
O, ano na?
– blog entry galing kay Christiana Jade (CJ) M. De Silva na ngayo’y 3rd year Viscom student sa UP College of Fine Arts.